barko
atras-abante ang mga puso nating nalilito.
bakit kailangang maging pabigat
sa ating mga puso ang pagdarahop
ng mga luha?
maharot ang mga tinging minsa'y
bumihag sa akin.
subalit pinili mong lumayo.
hindi ako natinag sa pinagkakatayuan.
hindi kita hinabol?
yun ang akala mo. hinabol kita.
tumawid ka ng tulay.
pagka'y sinilaban mo hanggang maabo.
paano pa kita hahabulin sa kabilang ibayo?
sinubukan kong languyin ang lawang
naghihiwalay sa atin.
subalit nilason mo na ang lawa
at di na muling masusulatan
ng mga pangakong minsa'y ipinagtapat.
pabalik ka na sa kanyang mga bisig.
ako nama'y di pa natitinag.
kailanma'y di na gagalaw sa kinatatayuan;
nagbabakasakaling muli kang daraong
sa aking moog.
kahit pasumandali lamang.
No comments:
Post a Comment