Apr 21, 2005

sa kamatayan lamang tayo
tunay na nakahahanap
ng ligaya't pagkakakligtas.
sa pagkakaluwal mula sa sinapupunan,
buhay na maramot ang unang sumasalubong sa atin;
ang kanlungang tahimik, basa at masikip
na siyang magbigay-katiyakan ng lahat
ay pilit inaagaw ng liwanag na nagmumula
sa siwang ng kapusukan at pagniniig ng puso.
tanging sa pag-agos ng nakalalasong tubig
ang siyang nakapagliligtas.


'pag ako'y namatay
ito ang gusto ko:

ayoko ng umiiyak;
gusto ko yung masaya.

gusto ko ng kamatayang nirapido;
ayoko iyong matagal at masalimuot.

gusto ko'y may musiko, mabagal na paghahatid;
ayoko ng mga de-kotse tsaka minabilis.

mas masarap siguro kung madaming nakikiramay
tsaka baha ang kape't biskwit.

tapos mas okey kung lahat
nakaitim, naghihinagpis.

okey di ba? pero, namputsa
sinong niloko ko?
gusto ko yung madaming umiiyak
para alam kong minahal ako ng iba;
gusto ko yung mabilis lang
(takot kasi ako sa dilim).
mas okey yung minadaling libing
para di nila ako ma-miss;
mas maganda din sa akin
kung wala nang burol;
baka mamaho pa ang bahay.

kapag ako'y namatay,
ito ang gusto ko:
gusto ko nandito ka sa tabi ko
para hindi ako matakot
pumikit at hagkan ka
sa huling pagkakataon.

No comments: