Mar 21, 2005

kung bakit ako tumutula
a tribute to WORLD POETRY DAY

nuong unang panahon,
hindi ko alam kung bakit
kinailangan kong magtampisaw
sa kawalan ng aking mga pangako
at ngiti; matagal na akong lugmok
sa kalungkutan at unti-unti nang
namanhid ang puso't kaluluwa
mula sa mga paniniring ng iba. bakit nga ba
kakailanganin pang magsalita, gayung
katahimikan ang siyang hanap
ng aking sugatang puso?

nuong bago ang bukanliwayway,
tanging mga tula mo ang bumubuhay
sa akin; hindi ko alam kung
anong kuryente ang dumadaloy
sa aking katawan sa tuwing mamumutawi
sa iyong mga labi ang mga tugma't
hanay ng iyong kaluluwa. nuong maaari pa,
hinahayaan kong malunod ako sa iyong
mga impit at halkhak na iginuguhit
ng mga letra sa aking puso.

nuong magdadapithapon, mas pinili kong
manahimik ng pasumandali at namnamin ang
mga yakap at halik na iyong inialay
sa aking paanan; hindi miminsang inaliw ang sarili
sa iyong mga pangako at pagtatapat.
gayundin, hindi miminsang nagkubli sa dilim
na siyang iyong ikinagalit; bakit ayaw
mo sa dilim gayong pareho tayong mahilig
maglaro nang nakapiring?

bakit ako tumutula ngayon?
dahil wala na ang unang panahon.
wala na ang liwanag ng araw
sa aking hardin; at wala na din
ang mga nagkukubling anino sa likod ng
tahimik na kadiliman.
tumutula ako pagkat
wala ka na.

No comments: