May 8, 2011

ang mga babae sa buhay ni caloy

ngayong araw ng mga nanay, na hindi tulad ng mga nakalipas na mga nakaraan sapagkat ako'y wala sa aking bayang sinilangan, pangindapatin nyo akong batiing malugod ng may kasamang pasasalamat, ang mga babae - ina - na nagpakita at nangangaral sa akin hanggang sa kasalukuyan.

ang tita bhong, na nagturong ang paniniwala sa Dyos ang sagot sa lahat ng hirap ng buhay. na kailangang kumapit sa Kanya kahit na ano ang ibatong hamon ng panahon. salamat sa mata mong laging nakangiti, kahit alam ong marami kang kinakaharap na hilahil.salamat sa pag-endorso mo sa akin sa PVM para makakuha ako ng libreng pagsasanay sa paggamit ng computer nuong high school pa ako..

ang tita sonny, na kumakatawan sa tatag ng pusong marunong magpatawad, kahit gaano kasakit. ikaw ang nagpakita sa aking higit sa lahat, mahalaga ang mga anak, bago ang sarili. salamat sa pagbubukas mo ng bahay sa lahat ng dumarating. lalo na sa akin na malakas lumamon. salamat sa mga aklat na binili nyo para sa akin at kay ineng..

ang ninang lina, na huwaran ng pagpupursige at pagbibigay. kanlungan ng tawanan at iyakan ang tahanang masaya at buo; ito ang iyong isinabuhay na halimbawa. salamat sa pagbili ng voltron lions sa akin nuong ako ay 7 taong gulang pa lamang.hindi pa nakakaalis ang bus sa terminal ng BLTB Co. ay naiwala ko na agad ang isa.. el rojo el raiz el gloria..

ang ninang ten-ten, na nagturo sa aking uminom ng gin, magyosi at magsaya, pagdaka'y ang isakripisyo ang lahat ng saya para sa kasiyahan ng minamahal. ikaw ang aking huwaran - matatag, maganda, sexy (plus points), at sobra-sobrang magmahal. salamat sa kauna-unahang pakete ng malborong puti na binigay mo sa aking nuong una kang umuwi mula sa belgium. sana nasa iyo pa din ang larawang aking binurda...

ang aking ina,na sa nakalipas na mahigit 30 taon ay walang ginawa kundi pagsilbihan kaming lahat. tayong lahat. salamat sa pagtuturo mo sa akin ng kahalagahan ngpagmamahal sa trabaho - ang mga kwento mo tungkol sa pagtalon sa bakod, makapasok lang habang may rally sa labas, ang paggising mo ng alas-3 ng umaga para makapasok ng alas-4:30 sa batangas city (habang pinakikinggan ko ang lagutok ng iyong sapatos na mabilis na kumakaripas palabas ng barangay), ang muntikang panganganak mo sa banyo, ang pagtatrabaho sa gitna ng pagputok ng pinatubo, ang pagpapagawa mo ng bahay, ang pagbibigay sa amin ng lahat ng luho, ang pagtalikod mo sa sariling kaligayahan at sariling buhay dahil mahal mo kami. babawi ako, mommy. bigyan mo lang ako ng ilang taon, pangako hindi mo na kailangan mamalengke at mautusan.

ang aking biyenan na nagturo sa akin na tanggapin ang hamon ng buhay ng nakataas ang noo. kahit na mahirap, kahit na masakit, kasi pamilya ang nauuna.

ang pinakamamahal kong mga lola - elena at rufina. mamang, patawarin mo ako dahil hindi ako nakapunta. mahal na mahal ko po kayo. inay, ikaw na nagpapaligo sa akin sa lababo, ikaw na kahit walang-wala ay nagbibigay ng baon sa mga apo, ikaw na kahit pambili na ng gamot mo nakukuha mo pang ibili ng tosino o longganisang ihahain mo sa aming magugulo mong apo... alam kong alam nyo na huwaran ko kayo ng sipag. hindi ko kayang maglakad mula rosario hanggang ibaan, sakbit ang bunsong kapatid habang sunong ang palayok sa ulo. dose anyos pa lang kayo nuon, pero kinaya nyo. astig ka.

ang aking asawa, na sa kabila ng lahat ng pinagdaanan namin, mabuti o nakaririmarim, ay nanatiling nasa tabi ko - kahit na gaano kagago o katanga ang ilan sa mga naging desisyon ko sa buhay. ikaw ang buhay ko. ikaw ang ina ng aking anak at magiging anak (kailangan dahil hinahanap na ni ineng si gabriel; antagal daw lumabas). babawi ako sa kagaguhan ko, 'my. ibibigay ko sa iyo ang buhay na ipinangako ko sa 'yo. konting tiis, konting kapit pa. malapit napo.

***

sa aking mga ibang tiyahin at pinsan, mga kaibigan, kasama sa trabaho - sa inyo ay pinaaabot ko din ang aking pagbati. MALIGAYANG ARAW NG MGA INA. NG MGA BAYANI SA BUHAY KO.

No comments: