Oct 6, 2006


ANG KWENTO NG IPINAGWASIWAS NA BABOY

ilang beses na nga ba tayong ipinagwasiwas?
isa? sampu? makailang libo?
mag pusong ginutay-gutay ng luha,
at pinag-ige ang giling sa pamamagitan
ng gilangang bato ng kapalaran?
hala, hindi ka nag-iisa, kaibigan. pagka't
ito ang kwento ng ipinagwasiwas na baboy-

isang barakong ikinulong ng sariling
pag-iimbot, pagtitika at karimlan;
habambuhay na palipat-lipat ng daratnan,
ng yayakapin, na kakastahan.
ang kaawa-awang baboy na nagsimula
sa isang biik na pinaghambalos ng pilapil
na pulos tinik, ng makasariling pag-ibig
at pagtatago ng katotohanan.
ilang tao'y lumipas subali't nanatili
ang lahat ng galos, harhar ng mabatong
lupa na siyang malimit kahalikan.

lumipas ang taon, ang biik naging bulugan.
lumaki ang bayag, kahit nag-iisa lamang- kaysa
ulo lamang ang lumaki, kasama ng mga pata't
atay, balumbalunan. ang kuko'y nanigas,
ang buhok kumapal; makailang beses nangasta
ngunit hindi nakahanap ng matutuluyang sinapupunan.
hanggang kailan kailangang mangasta?
hangga't kaya? hanggang semilya'y maging animo'y nata?

dapithapon sa buhay ng baboy; malungkot ang pagsilip
ng buwang mapagbunyi sa di kalayuan.
nakikiayon ba siya sa lungkot ng bulugan? o siya'y
nangungutya at nakikipaghabulan?
walang nakakaalam. wala ni aninong may pakialam.
ito ang buhay ng baboy na ipinagwasiwas; walang kanlungan,
walang ligaya, ni kaunting liwanag
na nababanaagan.

No comments: